Mga kababayan, sa pagsimula natin ng 2021, ang isa sa mga isyu na nais kong bigyang pansin ay ang pagiging maalala at maalaga para sa kapwa.
Ang Aking Minamahal na mga Kababayan,
Kamusta kayo lahat? Gusto ko kayong ibati lahat ng Manigong Bagong Taon at maligayang pagdating sa 2021. Sama-sama nating dinaanan at naligtasan ang lahat ng mga nakakalungkot at nakakabiglang pangyayari noong 2020, ngunit nandito pa rin tayo.
Unang una, nais kong pasalamatan muli ang ating mga napakasipag at mapagmalasakit na mga boluntaryo na sumisikap araw araw upang mapanatiling ligtas at malusog ang ating bayan. Ang iyong dedikasyon at mga sakripisyo ay hindi namin malilimutan kahit kailan!
Mga kababayan, sa pagsimula natin ng 2021, ang isa sa mga isyu na nais kong bigyang pansin ay ang pagiging maalala at maalaga para sa kapwa. Naniniwala ako na ang tunay na sukat ng ating tagumpay ay hindi sa pagtrato natin sa mga may kaya sa buhay, ngunit sa antas ng pansin at suporta ng ating komunidad para sa mga marginalized na grupo: para sa mga PWD, mga nakatatanda, at ang mga pinakamahirap .
Sa ilang mga bisita ko sa ating bayan, nakita ko na marami pa ang kailangan gawin at pagbutihin. Sa katunayan, ang ating maliit na komunidad ay sinalanta ng ilang bagyo at kasalukuyang humaharap parin sa isang nakamamatay na pandemya. Pero sa ating solidaridad at sa inyong kooperasyon, aking mga Ka-Aliageno, at alinsunod sa aming pagsisikap sa pagiging socially-inclusive, ang munisipyo ay magtatrabaho ngayong taon upang unahin ang:
Mas malawak na pag-access sa pangunahing pangangalagang medikal at suporta sa ating RHU.
Mas maraming mga lokal na oportunidad sa pagtatrabaho para sa ating maraming masipag at bihasang Aliagenos.
Mas malawak na pag-access sa inclusive at sapat na mga programa sa pangkabuhayan.
Mas mahusay na mga pasilidad at pampublikong imprastraktura upang mapadali ang paggalaw ng kalakal at mahahalagang serbisyo sa paligid ng ating bayan.
Sa kusa ng Diyos, ipagpapatuloy namin ang pagsikap para sa tamang pag-apruba ng budget ng Munisipyo, upang siguraduhin ang mga ito ay matupad.
Alam ko na tayong lahat ay humarap sa maraming mga problema at kahirapan sa nakaraang taon, ngunit manatili tayo sa pag-asa. Tulad ng isang kasabihan na "Ang pag-asa ay ang ilaw sa kabila ng lahat ng kadiliman." At sa mga salitang ito hinihiling ko na lahat ay makahanap ng pampatibay-loob at dahilan upang umasa para sa isang mas maganda na kinabukasan at isang mas magandang taon.
Maaari niyo kaming asahan na gagawin namin ang lahat sa aming kakayanan upang matupad ang mga ito. Hangga’t kaya, walang atrasan at walang susuko.
Muli’t muli, Maligayang Bagong Taon, Aliaga.
Comments